“Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino”


Noong ika-30 ng Disyembre 1937, tinatag ang wikang Tagalog ng noo’y-Pangulong si Manuel Luis Quezon bilang siyang pagbabatayan ng wikang pambansa. Sa pagdaan ng halos isang siglo ay nagbunga ang mga pagbabago, pag-aaral, at pagpapayaman sa wikang ito — isang bungang tinatawag nating Filipino. Hindi madali ang mga pinagdaanan ng Tagalog upang tawaging Filipino noong 1971 at maging siyang wikang ginagamit nating ngayon. Marami itong pinagdaanan at pinagdaraanang mga pagsubok na patuloy na nagbibigay ng katatagan dito, at patuloy na nagpapalakas sa ating pagka-Pilipino.

(Hindi ko tatalakayin ang detalyadong kasaysayan ng wikang Tagalog na naging Pilipino at sa huli’y naging Filipino; maraming kayong mapagkukunang mga blog at iba pang mga website (may ilan akong nilagay sa baba). Bagkus, tatalakayin ko lamang ang kahulugan ng katatagan ng wikang Filipino sa lakas ng ating pagka-Pilipino.)

Ang bawat lipunan, bawat bansa, ay may mga maituturing na kani-kaniyang kayamanan. Ang mga kayamanang ito ay nagkakaiba-iba sa iba’t-iba ring kultura. Ngunit sa lahat nang ito ay hindi kailanman mawawala ang at maipagkakaila ang kahalagahan ng wika. Ang wika ay ang siyang nagbibigay-daan upang makapagpahayag ang mga tao ng kani-kaniyang mga hinaing, saloobin, at ideya. Ito anf nagbibigay-daan upang mangyari ang konumikasyon. At ang komunikasyon ay tunay na mahalaga upang mabuo, tumatag, at manatili ang kahit na anong bansa o lupon.

Ang wika ay buklod. Hindi sana nagkaisa ang mga ninuno natin upang paalisin ang mga mananakop kung hindi sila pinag-isa ng wika. Ito ang nagsilbing buklod upang maipahayag nila sa isa’t-isa ang kanilang mga plano, mga pangarap, ang kanilang adhikain para sa bayan o sa kung ano mang inakala nilang bayan. Hindi ba kapag nakakarinig tayo ng taong nagsasalita gamit ang wika natin ay nabubuhayan tayo? Marahil ay hindi ito alam ng mga taong lumalagi lamang sa isang pook, ngunit kapag nasa dahuyang lugar ang isang tao, and tinig ng sariling wika ay tila musika, tila buklod sa taong nagsasalita nito at nakikinig dito. Kapag ang isang OFW ay nakakarinig ng Filipino, para bang may kakaibang ligaya ang nararamdaman niya. Tila ba kapamilya na agad ang turing niya sa taong nagsasalita nito. At hindi maipagkakaila na ang tatag ng wikang Filipino ay siyang nagpapalakas sa ating buklod sa ating mga kababayan, at siyang nagpapalakas sa ating pagka-Pilipino.

Ang wika ay kapangyarihan. Kapag nais nating hindi tayo maintindihan ng isang dayuhan, kailangan lamang nating gamitin ang ating wika at maitatago na natin ang ating mensahe. Kapag gusto nating mang-api nang hindi man lamang gumagamit ng lakas, kailangan lamang nating magsalita ng masasakit na kataga at sigurado, tuturok na sa damdamin ng ating kinagagalitan ang ating ibig iparamdam sa kanila. Kapag gusto nating manira nang hindi gumagamit ng mga sandata, ilang kataga lamang ang ating kailangang bitawan at kahit isang pamilya ay masisira natin. Ngunit kung gusto nating maghilom ng sugat nang hindi gumagamit ng mga gamot, ilang salitang totoo lamang ay mawawala na ang mga sugat ng naakaraan. Kung gusto nating makawala sa mga galamay ng mga mang-aapi ay kayang-kaya tayong matulungan ng mga malalakas na salita upang mabuo ang bayan at mapalayas ang rehimen ng kasamaan, iyan ay kung may bayan nga tayong matatawag. Kung gusto nating lumakas, kailangang mapatatag natin ang mga mamamayan. At ang pagpapatatag sa mga mamamayan ay hindi kailanman magagawa kung hindi matatag ang ating wika. Sa panahong tayo’y minamaliit ng ibang bansa, sa panahong inaangkin ang ating teritoryo at tila ipinapamukha sa ating wala tayong lakas, hindi mga malalaking submarine o kaya fighter planes ang kailangan natin upang maipagtanggol ang ating bansa. Hindi dami ng sundalo ang ating kailangan. Hindi ito simpleng palakasan ng santadahan ng mga bansang nasasangkot. Ito ay palakasan ng pag-unawa at pagmamahal sa bayang kinabibilangan. Oo, napakalakas ng bansang Tsina. May tinatawag silang One China na siyang patunay ng kanilang pangarap ng pagkakaisa. At sa pagtupad ng pangarap na iyon ay nagkakaisa na nga sila. Ngunti mayroon din ba tayong pakiramdam na ganito? Nagkakaisa nga ba ang mga Pilipino? May maituturing nga bang bayan? Marahil ay sasabihin ninyong oo. Masakit tanggapin, pero hindi parin tayo nagkakaisa. Halos isang siglo na ang dumaan mula nang tuluyan tayong pakawalan ng mga dayuhan ay hindi parin tayo natuto. Paano natin masasabing isa na tayon bayang nagkakaisa kung sarili nga nating wika ay hindi natin magawang maipagmalaki?

Hindi matatag ang isang wikang hindi nakikita ng mga gumagamit nito bilang isang mahalagang sangkap ng kanilang pangaraw-araw na pamumuhay. Hindi matatag ang isang wikang tila ikinakahiya ng mga gumagamit nito. Hindi matatag ang isang wikang nilalamon na ng isang banyagang wika (“tsok,” “blakbord,” “kawnselor,” atbp.). At hanggang hindi natin nagawa ang ating tungkuling pagyamanin at panatilihin ang katatagan ng ating wika, ng wikang Filipino, hindi tayo kailanman matatawag na isang malakas na bayan. Sapagkat ang tatag ng wikang Filipino at ang tunay na Lakas ng pagka-Pilipino.

_____________________________________

Mga pinagkunan:

1. DepEd Memorandum Pangkagawaran Blg. 104, s. 2012

Mga makabuluhang link:

1. http://www.lhiza.com/tagascript.htm

2. http://thelanguagechronicle.com/tagalog-language-history/

3. http://en.wikipedia.org/wiki/Tagalog_language (makabuluhan nga ba? kayo na ang bahala)

73 responses to ““Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino”

  1. kahanga-hanga.
    d (^_^) b
    ang galing, hehe. mahalin at pagtibayin natin ang paggamit ng ating sariling wika. tatag ng wikang Filipino, lakas ng pagka-Pilipino.

  2. …ang wikang Filipino ay sadyang napaka’haLaga sa bawat Pilipino,ito’y dapat gamitin at pahalagahan ng husto at huwag ikahiya.
    _Pilipino ako at Filipino ang wika ko:)

    #WJ: 07-17-12

  3. maraming salamat at dito ako nakahugot ng aking isusulat na saysay sa dumating na buwan ng wika sa amin at ako ang nanalo bilang unang puwesto sa aming limang naglaban-laban

  4. hihiramin ko po sana tong essay :)) ilalaban ko po sana ito saaming paaralan ngunit ako’y nag iba nang mga salita :)) maaari ko po ba itong gamitin ? :) ako po ay hanga sa iyo :)

  5. Maaari ko po bang gamitin ang nilalaman ng iyong isinulat dito para sa aking sanaysay na gagawin? Ako lamang ay humihingi ng permiso sa iyo dahil ayokong mapagkamalang magnanakaw. Maaari po ba? x)

    Pero seryoso, napakaganda ng iyong gawa, kaya nga ako nakakuha ng ideya para sa aking sanaysay e.

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s